Pinutakte ng batikos ang PhilHealth mula sa mga galit na OFW

  • 6 months   ago

Pinutakte ng batikos ang Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth mula sa mga galit na OFW matapos nilang inanunsiyo ang karagdagang premium.

Sa isang memorandum Circular kasi inanunsiyo ng PhilHealth na obligado o mandatory nang maghuhulog ng 3% ng kanilang buwanang sweldo ang mga OFW para sa PhilHealth coverage ngayong taon.

Ibig sabihin kung kumikita ang isang OFW ng P27,000 sa loob ng isang buwan, P810 ang dapat ihulog sa PhilHealth kada-buwan o P9,720 kada-taon.

Kumpara sa 2.75% lang noong 2019.

Nakasaad din sa memorandum na tataas ang PhilHealth contribution ng .5% kada-taon hanggang sa maging 5.0% na ang babayarang premium sa 2024.

May penalty o interest ang mahuhuli sa bagbabayad ng contribution.

Sa isang online petition, sinabi ng mga OFW na hindi patas o unfair ang bagong direktiba. Dagdag pasakit lang sa kanila lalo't apektado rin ang kanilang trabaho ng Covid-19 pandemic.

Mahigit 280,000 na ang pumirma sa petisyon. 

"Nagpapadala kami buwan-buwan ng pera, tapos po malalaman namin ngayon na biglang sisingili kami ng malaki para sa PhilHealth na hindi po namin talaga mapapakinabangan, pero bakit naman po ganun niyo kami kaltasan ng pera," a ni Karen viola, isang nurse sa Germany.

"Batid po namin na maganda ang layunin ng universal health care act, pero hindi po tamang sa mga manggagawa kuhain ang pondo," Venz - OFW sa Singapore.

Umalma rin ang grupong Gabriela sa bagong memorandum. "Bakit gagatasan pa rin ng PhilHealth ang mga OFW sa harap ng pandemya gayong sinabi nito mismo na may P97 billion reserve funds ito at net income na P11 billion noong 2018? It has the audacity to collect and collect when OFWs hardly benefitted from it in the face of Covid-19," ang sabi ni Representative Arlene Brosas ng Gabriela Party-List.

Maging si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr. naniniwalang isa ang PhilHealth contribution sa mga bayarin na hindi naman napapakinabangan ng mga OFW.

Nananatiling tikom ang bibig ng PhilHealth nang hingan ng panayam ng ABS-CBN.

Sa Circular No. 2020-0014 o ang “Premium Contribution and Collection of Payment of Overseas Filipino Member” nitong Abril 02, 2020 ay nagsasaad ng mandatory health coverage sa lahat ng mga Overseas Filipinos at ito ay nangangahulugan ng pagiging “Direct Contributors” ng PhilHealth na nagpapataw ng sapilitang pagbabayad sa lahat ng OFW. 

Ito ay isa sa mga hakbang para sa pagpapatupad ng Republic Act 11223 Universal Health Care (UHC).

Ayon sa Circular, tinutukoy na Overseas Filipinos ang mga:

• Land based OFWs - example: DH, office workers, labourers, atbp.

• Seafarers and sea-based workers - Seaman, cook sa barko, atbp.

• Filipinos with dual citizenship (RA 9225)

• Filipinos living abroad

• Overseas Filipinos in distress - mga nakatira sa shelter ng embassy sa ibang bansa, TNT 

• Other overseas Filipinos not previously classified elsewhere

* Lahat kasali basta Pinoy na nasa ibang bansa, may trabaho o wala.

Magkano at kailan dapat magbayad?

Ang dapat bayaran sa taong 2020 ay 3% ng buwanang sahod ng manggagawa. Php2,400.00 ang paunang bayad at ang kakulangan ay maaaring bayaran ng buo at pwede ding quarterly.

Simula January 1, 2021, ang minimum na dapat bayaran ay 3 buwan. Maaaring magbayad ng para sa buong taon (January 1, 2021 to December 21, 2121) o pwede ding quarterly.

Paano kung hindi ako makapagbayad?

Ang hindi pagbabayad ay may kaukulang penalty na hindi bababa sa 3.0% kada buwan para sa employers, sea-based OFWs at mga kasambahay. Hindi naman tataas sa 1.5% kada-buwan sa mga self-earning members, professionals at land-based workers.

Kapag hindi makapagbayad? Hindi ba bibigyan ng OEC at posibleng ma-offload sa pag-alis ng bansa?

Nabanggit sa memorandum na dapat siguraduhin ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na ang mga land-based OFW, new hire o balik-manggagawa ay kinakailangang makapagbayad ng PhilHealth premiums bago bigyan ng Overseas Employment Certificate (OEC). Kapag walang OEC, madalas ma-offload kung paalis ng bansa dahil hindi paaalisin ng immigration ang OFW na walang code or reference number nito.

Paano sumali sa petition na ibasura ang dagdag-singil sa PhilHealth Premium?

Ang grupong Change.org ay nagsagawa ng petition upang isulong ang pag-alis ng dagdag singil. Pinamagatang, "Remove PhilHealth Mandatory 3% Payment from OFW’s Salary" ang nasabing petition. Narito ang link upang makilahok sa petisyong ito:

https://www.change.org/p/philhealth-philippine-health-insurance-corporation-change-philhealth-mandatory-3-payment-from-ofw-s-salary

 

 

 

Ang mga nabanggit simula Enero 1, 2020, simula sa dating premium na P2400,00 kada taon, ay obligadong magbabayad ng karagdagang 3% ng buwanang sahod para sa premium. Kung hindi makakapagbayad ang Ofw ay papatawan ng tinatayang 1.5% interes kada buwan na idadagdag sa bawat buwan ng pagka-antala sa pagbabayad.

Narito ang sample computation. Converted sa peso ang 1k euro a month at ang exchange rate ay P60.00 per 1euro = 60k pesos 

60,000 salary per month x 3% = 1,800 pesos

1,800 pesos x 12 months = 21, 600 pesos

Ang P21,600 ang taunang bayad ng Ofw sa PhilHealth .

At dahil transitory year ang 2020, ang nagbayad ng kanyang annual na 2400 pesos ay may balance pang babayaran dipende sa komputasyon na 3% ng kanyang salary.

Sa Enero 2021 ay magsisimula naman ang quarterly o semestral o annual na paraan ng pagbabayad. 

Bukod dito, ay may increase taun-taon mula sa 3% to 5% hanggang sa taong 2025. 

Ang hindi pagbabayad ng Premium ay nangangahulugan rin ng hindi pagbibigay sa Ofw ng OEC sa muling paglabas ng bansang Pilipinas. 

Source: TV Patrol

Comments