Covid-19 Test Para sa OFWs na Uuwi ng Pinas — Libre Parin

  • 1 month ago

Nagtutulong-tulong ngayon ang 13 government laboratories upang punan ang serbisyo para sa pagsasagawa ng swab o RT-PCR test sa mga dunarating na overseas Filipino workers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ay kasunod ng pagpapatigil ng Philippine Red Cross (PRC) sa pagsasagawa ng swabbing sa mga OFWs at seafarers dahil na rin sa malaking pagkakautang ng Philhealth sa Red Cross.

Sa ngayon ay maayos nang natutugunan ang mga pangagailangan ng mga umuuwing OFWs kasama na rito ang maibsan ang pabigat na malaking gastusin sa pagsasagawa ng swab test dahil libre ito para sa ating mga bagong bayani.

Sinisiguro ng pamahalaan na tuloy-tuloy at walang-patid na ang pagsasagawa ng libreng swabbing para sa mga OFWs sa mga paliparan.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), wala nang magiging balakid gaya sa  nangyaring insidente sapagkat gobyerno na ang may hawak ng lahat ng aspeto nito.

Kasalukuyang naglilingkod sa NAIA ang 12 sumusunod na laboratoryo:

• Lung Center of the Philippines

• Philippine Genome Hospital

• PNP Crime Laboratory

• San Lazaro Hospital

• Sta. Ana Hospital

• UP National Institute for Health

• Jose N Reyes Memorial Hospital

•  Las PiñasJose B Lingad Memorial Hospital

•  Las Piñas General Hospital

•  Ospital ng Imus

•  Research Institute for Tropical Medicine (RITM)

•  Philippine Children’s Medical Center (PCMC)

•  Central Visayas Molecular Laboratory sa Cebu

Sa pangunguna ng DOH, ang mga laboratoryong ito ay boluntaryong tumanggap ng kani-kanilang quota ng sample na ipo-proseso ayon na rin sa kanilang kakayahang makapaglabas ng swab test result sa loob ng 48 oras.

Tinanggap naman ng nasabing mga laboratoryo  ang hamon ng pagproseso sa humigit kumulang 3,000 samples kada araw.

Sa ngayon, mayroon nang 21,238 OFWs ang natugunan ng mga government laboratory volunteers na agad namang nakauwi sa kani-kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng Hatid Probinsya Program ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ang mga pauwi ng Visayas at Mindanao ay hinatid sa pamamagitan ng chartered flights, at mga taga-Luzon naman ay pinasakay sa mga dedicated buses mula sa PITX.

Isang grupo naman ng mga Information Technology (I.T) experts ang tumulong sa pamamagitan ng paglikha ng isang Automated System upang gawing paperless at nang mapabilis ang lahat ng yugto sa pagproseso, mula sa pag-fill up ng tinatawag na Case Investigation Forms pagdating ng mga OFWs sa Airport, hanggang sa ma-release ang kanilang test results at mabigyan ng Quarantine Certificates ng BOQ.

Ang mga Philippine Coast Guard medical personnel naman ay patuloy na nagsasagawa ng actual swabbing ng mga samples na dinadala sa iba’t ibang laboratoryo sa pamamagitang ng mga delivery vehicles ng CAAP at PCG. Ang mga swab test samples patungong Cebu ay isinasakay sa mga OWWA Hatid Probinsya flights araw-araw.

Tumutugon naman ang Manila International Airport Authority (MIAA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga personal na problema at iba pang pangangailangan ng mga OFWs.

Sa kabilang banda, ang Department of Tourism (DOT) ang siyang nangangasiwa sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga dumarating na Non-OFWs sa mga paliparan. Ang lahat ng ahensya ng pamahalaan ay tulong-tulong na itinataguyod ang One-Stop Shop (OSS), na pinangungunahan ng DOTr, sa ilalim ng direktiba ng Task Force for the Management of Returning Filipinos.

 

Basahin din:

Mga Dapat Tandaan Kapag Uuwi o Aalis ng Pilipinas Ngayong Pandemic

Gabay sa Mga Babalik ng Qatar Mula Pilipinas

Source: Remate

Comments